Walang Forever and That’s Okay

Kailan mo napagtanto na mamamatay ka din balang araw? 

6 na taong gulang

Kakatuntong ko pa lang ng Grade 1 noong una ko napanood ang The Lion King. Doon ko unang nalaman ang konsepto ng circle of life dahil sa napakainspiring na explanation ni Mufasa kay Simba. Pero may masakit na plot twist. Namatay si Papa Mufasa dahil sa isang malaking stampede ng mga hayop na kinakain ng mga lahi nila mismo. Iba nga ata talaga gumana ang circle of life.

Simula noon, lagi kong pinagdadasal bago ko matulog na hindi na ko magising. Mamamatay na walang nararamdamang sakit. Ayos, payapa, nakahiga ka pa agad. Natigil din agad yung weird kong ritual kasi isang gabi narinig ng kapatid ko. Huwag ka na daw ulit gagawin.

8 taong gulang

Napanood ko yung A Walk To Remember. Ay grabe siya. Kung hindi mo pa to napapanood okay lang, google mo muna synopsis tapos pwede ka bumalik sa kwentuhan natin.

Doon ako nagsimula maniwala na totoo nga. Mas masakit maiwan kaysa mang-iwan.
Pero hindi pa natatapos ang universe, marami pa siyang gustong ituro sa makulit kong utak.

Umuwi ako ng bahay galing eskwela, mga alas-3 siguro ng hapon. Walang tao sa sala, o kahit sa mga kwarto. May lima akong nakakatandang kapatid, kaya para sa akin sobrang iba sa pakiramdam kapag wala kong dinadatnan sa bahay.

Gusto ko ng lumabas agad, nakakasuffocate yung pakiramdam na mag-isa sa bahay. Lalabas na sana ko, pero di ko pa nabubuksan yung pinto may kumatok na. Tumambad sa mukha ko yung kapitbahay naming ang hilig mag-videoke.

“Nasa ospital yung mga kapatid mo. Dinala yung lola mo sa ospital. Nagsuka ng dugo.”

Hindi pa daw makakauwi agad sina mama tsaka yung mga kapatid ko kaya kumain na daw muna ko sa bahay nila. May maganda rin palang lumalabas sa bibig ni ate videoke, may puso din siya.

Dumating sila kinagabihan. Pero kulang pa din silang umuwi. Naiwan sa ospital si mama, tsaka yung dalawa kong kapatid. Si papa nasa tagaytay, di niya pa alam yung nangyari. Pero nandito ko at wala rin naman akong alam. Sana nasa tagaytay na lang ako. Ayoko napag-iiwanan sa usapan kasi “bata” pa ko.

Nasa sala kaming magkakapatid. Wala si mama at papa. Wala yung proxy-parent na panganay sa amin kasi nasa ospital pa. Hindi ko na masyadong matandaan kung ano eksakto nangyari kasi isa din ito sa mga parte ng buhay ko na pinipili yata ng utak kong makalimot na lang. Basta ang alam ko umiikot sa usapan kung ilang dugo ang isasalin sa kanya, yung pera na gagastusin sa ospital, yung kaya pa ba ni lola magpaopera sa edad niya, o kung kaya ba naming lahat tanggapin yung posibleng mangyari. Sumunod na araw, ako yung nagbantay sa lola ko.

Nagkwentuhan lang kami ni lola, sinakay ko siya sa wheel chair para makaikot kami sa ospital kasi sobrang bagot na daw niya kakaupo. Buong araw ganun lang ginawa namin. Para kong nasa learning excursion. Wala namang pumapansin o sumasaway sa amin. Mga busy yung tao. Public hospital eh. Kulang ang mata at kamay para mag-asikaso ng pasyente. Kinagabihan, mas pagod pa ko sa kanya. Nauna kong nakatulog sa higaan niya pa mismo.

Ginising ako ng nurse. Tinanong kung ako daw ba yung bantay ng pasyente.

“Kailangan niya ng dugo. Walang stock dito sa ospital. Kailangan niya masalinan ulit bukas. Maghanap ka na. Kaya mo ba?”

Binigyan niya lang ako ng kopya ng doctor’s request para makapaglabas ng dugo sa ibang ospital. Nakasulat doon kung ano ang blood type ni lola, room number, at kondisyon niya. Wala kong ideya sa pinagsasabi ng nurse na yun. Ang alam ko lang, ito ang unang beses na may kumausap sa akin na parang ka-edad niya lang ako. Na may sarili akong isip. Na may pwede akong gawin.

Sinilip ko yung bintana, sobrang dilim pa. Hindi ko alam kung anong oras na basta tumakbo ako palabas ng kwarto, nasa 5thfloor kami ng East Avenue Hospital, di ko na inantay yung elevator tumakbo na ko sa hagdanan. Hindi ko alam pero ang excited ko.

Sobrang pinahalagahan ko yung tiwala na binigay sa akin ng nurse na yun. May pwede pala akong gawin para mapagaan yung kondisyon ng lola ko. Tiwala yun o pagod lang talaga siya para ma-realize na kumausap siya ng elementary student na nakasuot ng school uniform pa para maghanap ng dugo.

Yung akala ko na adventure, disaster pala. Pumunta muna ko sa National Kidney and Transplant Institute pero ayaw ako papasukin. Pinakita ko yung request, tinignan niya muna ko at hinayaan na din namang makapasok pero wala akong nakuhang dugo. Lumabas ako at nag-isip. Alam ko may ospital din sa Quezon Avenue, tabi tabi din sila. Nagpunta ako ng Lung Center, wala. Nagpunta ko ng Philippine Children’s Medical Center, wala.

Muntik na ko mabangga pagbalik. Sobrang lungkot. Ayoko bumalik sa East Avenue na walang dala. Naisip kong itext si mama para dalawa kaming maghanap kaso wala pa kong cellphone pero marunong naman akong magtext. Nasa likod ng ID ko yung number ni mama, nakitext ako sa nakasalubong kong babae, sinabi ko kay mama na magkita kami sa Jollibee na pinakamalapit sa East Avenue. Bilisan niya.

Pagdating ni mama, galit at halos naiiyak kong kinwento yung nangyari, na sobrang pagod na ko kakalakad, na walang dugo sa mga ospital, na wala pa kong kain kasi yung pagkain sa ospital walang lasa, Pero tawa lang siya ng tawa. Malamang hindi daw ako bibigyan ng dugo. Unang-una, mukhang wala naman akong pera pambayad ng processing fee.

Naglakad kami papuntang Quezon City Red Cross. Nakakuha naman kami agad ng dugo. Pero ayun nga, may kamahalan ang processing fee. Hindi ko talaga alam kung magkano yun noon, ang alam ko lang ‘pag nakakunot yung noo ni mama malamang napagastos siya.

Pagbalik sa ospital tulog pa din si lola. Kinuha ko yung ice box kay mama na may lamang dugo. Dumiretso ko sa blood bank ng East Avenue para macrosscheck nila kung compatible ba sa blood type yung dugo na nakuha namin. May kahabaan ang pila kaya nakipagkwentuhan muna ko sa katabi ko. Lahat sila sobrang saya na nakahanap kami ng dugo. Nakita daw nila ko nung nagmadaling bumaba pagkatapos kausapin ng nurse
kanina.

Masarap makipagkwentuhan sa kanila. Hanggang ngayon nasa akin pa din yung mga kwento nila tungkol sa mga lolo, anak, kapatid, kaibigan at asawa nilang nangangailangan ng dugo. Parang nadadagdagan pa nga lalo pagtagal.

Ilang linggo din pero sa wakas, nakalabas din si lola ng ospital at sobrang malakas pa din siya hanggang ngayon.

Natanggap ko noong araw na ‘yon, wala naman talang forever sa buhay. Lahat naman may katapusan. Maaring mawala yung mga mahal mo sa buhay ng ganun-ganun na lang. Pero ang mahalaga ginawan mo ng paraan para makasama sila. Para kahit papano alam mo lumaban ka pa din pala.

Kailan mo nalaman na kaya mo naman pala ma-enjoy ang buhay kahit lahat naman sa mundo ay may katapusan?

10 taong gulang

Promise, gagawin ko yung makakaya ko para makabuo ng grupo ng mga tao na tulad ng nag-donate ng dugo sa lola ko noon. Maraming, maraming salamat po.

Submitted to Pulse A.Y. 2015-2016 2nd semester, UP Red Cross Youth Official Newsletter

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s